EDITORYAL — House version ng 2027 budget, kuwestiyunable
HABANG patuloy na dinidinig sa Senado ang proposed P7.2-trillion national budget para sa 2027, may halos P1 trilyong halaga ng mga item sa House version ang kinukuwestiyon ng mga budget watchdogs.
Ito ay dahil umano sa insertions at discretionary funds na maaaring magamit sa political patronage.
Mas mahalaga ang usaping ito ngayon at hindi dapat balewalain.
Kamakailan, naglabas na rin ang Supreme Court ng ruling laban sa ilang probisyon sa mga national budget noong 2024, 2025 at 2026.
Nilinaw ng Kataas-taasang Hukuman na hindi awtomatikong labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations.
Pero kailangan itong manatili sa malinaw na limitasyon at hindi dapat gamitin upang lampasan ang mga spending restrictions o gawing lump sum na madaling galawin pagkatapos maaprubahan ang budget.
Ibig sabihin, may malinaw nang babala habang ginagawa pa lamang ang 2027 budget.
Hindi lahat ng dagdag, bawas o realignment sa budget ay masama. May mga pagkakataong kailangang baguhin ng Kongreso ang panukala ng executive upang tugunan ang ibang pangangailangan.
Pero kung bilyun-bilyong piso ang inililipat o idinadagdag, dapat malinaw kung saan ito mapupunta, bakit ito kailangan at sino ang makikinabang.
Lalong mahalaga ito dahil ang bicameral conference ang yugto kung saan pag-iisahin ang bersiyon ng Senado at Kamara.
Dito rin madalas nagkakaroon nang malalaking pagbabago bago makarating sa Presidente ang final budget.
Kaya hindi sapat ang pangakong magiging transparent ang proseso.
Kailangang makita mismo ng publiko kung ano ang binago at bakit.
May pagkakataon pang itama ang mga kuwestiyonableng item bago maging batas at bago gastusin ang pera ng bayan.
Mas madaling linisin ang budget habang ginagawa pa ito kaysa habulin ang kuwestiyunableng pondo kapag nailabas at nagastos na.
Ang 2027 budget ang pagkakataong patunayan kung may natutunan ba ang gobyerno sa mga pagkakamali ng nakaraan. Busisiin ang budget bago pa makalusot ang mga “kahina-hinala” at mga “butas”.
- Latest




















