VP Sara, wala pang abiso bilang testigo sa impeachment trial

MANILA, Philippines — Inihayag ni Vice President Sara Duterte na wala pa siyang natatanggap na opisyal na dokumento o subpoena para humarap bilang testigo sa kaniyang sariling impeachment trial.
Sa isang ambush interview sa Quezon City Hall of Justice kahapon, natanong si VP Sara hinggil sa posibilidad na dumalo siya bilang testigo sa impeachment matapos na ilutang ito ng prosekusyon.
Sinabi ng Bise Presidente na hindi muna siya magbibigay ng komento ukol dito dahil wala pa siyang hawak na papel.
Magugunita na noong Setyembre 8 (Day 23 ng paglilitis) ay ipinahayag ng private prosecutor na si Lorna Kapunan na nais ng House prosecution panel na iharap si VP Sara bilang testigo para tanungin ukol sa paggamit ng confidential funds.
Kinumpirma rin ng kampo ni Duterte, sa pamamagitan ni Atty. Dino Poa, na wala pang inihahaing pormal na mosyon sa Senate impeachment court para opisyal na i-subpoena ang Bise Presidente.
Ayon sa mga legal na eksperto, depende sa magiging desisyon ng impeachment court kung maaari itong ipilit, o kung kusang-loob na lamang na tetestigo ang Bise Presidente tulad ng ginawa ni dating Chief Justice Renato Corona noon.
Pansamantalang nakasuspinde ang pagdinig sa Senado ngayong linggo upang bigyang-daan ang pagmamarka sa mahigit 1,800 dokumento para sa susunod na artikulo ng impeachment (unexplained wealth), at nakatakdang magpatuloy ang trial sa Lunes, Setyembre 14, 2026.
- Latest

















