Lalaking ikakasal pinatay, sinemento sa imburnal!

MANILA, Philippines — Nagwakas na ang paghahanap sa isang nawawalang 24-anyos na binata na nakatakda na sanang ikasal makaraang madiskubre ang naagnas at halos buto na nitong mga labi na sinemento sa isang imburnal sa Brgy. Pahina Central, Cebu City noong Lunes ng hapon.
Sa report ni Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office Operations Chief Ferl John Pacaldo, positibong kinilala ng kaniyang pamilya ang biktima na si Isaac Virgel Viernes, 24- anyos, sa pamamagitan ng suot nitong damit at awang na ngipin.
Ayon kay Pacaldo, nakatanggap sila ng tawag mula sa ilang residente hinggil sa nalanghap nilang masangsang na amoy na nagmumula sa nasabing imburnal.
Nang inspeksiyunin ito ng mga awtoridad, tumambad ang sinementong bangkay ng biktima na naagnas na at may parte ng katawan na litaw na ang mga buto na hindi na halos makilala.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, ang biktima ay pinaslang at binalot sa tela saka sinemento sa 3-metrong lalim ng hukay sa imburnal na tinabunan pa ng uling upang itago ang krimen.
Ang biktima ay dalawang linggo nang pinaghahanap ng kaniyang pamilya matapos na mabigong makauwi sa kanilang tahanan noon pang Oktubre 7 ng taong ito.
Lumilitaw rin sa pagsisiyasat na huling nakitang buhay ang biktima habang nakikipag-inuman sa kanilang lugar at umano’y may nakaalitan na isa sa person of interest sa kasong ito.
Agad kinondena ni Cebu City Mayor Nestor Archival ang karumal-dumal na pagpatay sa biktima biktima.
Inatasan na ng alkalde ang Cebu City Police na bilisan ang imbestigasyon, arestuhin ang mga posibleng nasa likod ng krimen at sampahan ng kaso upang mabigyang hustisya ang sinapit nito.
- Latest






















