KUNTIL BUTIL: Pahapyaw na kasaysayan Ng wikang pambansa

Tunay na nararapat lamang matanto ng bawat Pilipino na bago pa man sinakop ng mga Kastila ang Pilipinas ay mayroon na tayong sariling kulturang maipagmamalaki. Ang isa sa mga katangiang ito ang pagkakaroon natin ng kakayahan sa pagpapahayag ng pasalita o pasulat.

Noong 1521, natuklasan ng mga Kastila na may 200 dayalekto ang mga Pilipino. Itinuring pa rin ang Tagalog na pinakamalaganap sa lahat. Sina Padre Chirino at Padre Colin ang gumawa ng pag-aaral tungkol sa wika. Noong 1613 ay nagpadala si Padre Chirino ng ulat sa Roma ng kanyang paghanga sa mga Tagalog.

Napagkaisahan ng mga banyaga na mayroon nang wikang pambansa ang mga Pilipino para mapalaganap ang Kristiyanismo. Makalipas ang paghihimagsik, kinilalang wikang pambansa at opisyal na wika ng kapuluan ang Tagalog.

Noong 1901, napasailalim sa lakas ng Amerika ang bansang Pilipinas. Pinalaganap ang Ingles, subalit nadama ng mga dayuhan na kailangang ituro pa rin ang wikang sarili, kaya nang balangkasin ang konstitusyon ng Komonwelt o Malasariling Pamahalaan, ipinasya na ibatay sa Tagalog ang wikang pambansa.

Ipinatupad ng Batas Komonwelt Blg. 184 ang pagtatag ng Surian ng Wikang Pambansa. Pinag-aralan ang mga wikain sa Pilipinas para sa wikang pambansa. Pinili ang Tagalog dahil sa ito ang pinakamalaganap sa buong kapuluan, madaling pag-aralan, madaling maunawaan, at may pinakamayamang talasalitaan at panitikan.

Nilagdaan ng Pangulong Manuel L. Quezon ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 noong Disyembre 30, 1937, na nagsasaad na Tagalog ang kikilalaning Wikang Pambansa at sa loob ng dalawang taon ay dapat makapagpalimbag ang Surian ng isang aklat sa Balarila ng Wikang Pambansa.

Samantalang si Pangulong Quezon ang laging nasa likuran ng alinmang hakbang na may kinalaman sa pagkakaroon ng wikang pambansa, pinagmalasakitan naman ni Lope K. Santos na makabuo ng balarila batay sa Tagalog. Dahil dito, si Pangulong Quezon ang tinaguriang Ama ng Wikang Pambansa at si Lope K. Santos ang kinilalang Ama ng Balarila.

Show comments