EDITORYAL - Pagsubok sa mga senator-judge
SA pagpasok ng ikalawang linggo ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, hindi lang ang prosecution at defense ang sinusubok. Sinusubok din ang mga senator-judge na may tungkuling makinig, magtanong, at magdesisyon sa isa sa pinakamabigat na prosesong pampulitika sa bansa.
Kaya naging usap-usapan ang pag-amin ni Sen. Robin Padilla na gumamit siya ng Google para maintindihan ang ilang legal terms sa unang araw ng trial. Sinundan pa niya ito ng biro na hindi siya nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas o Ateneo, kundi sa “UP” o “University of Prison.” Marami ang natawa. Marami rin ang nairita. Para sa ilan, paano raw aasahan ang isang senator-judge na magdesisyon sa impeachment kung umaasa siya sa search engine para sa legal na paliwanag?
Pero dapat maging patas. Walang masama sa paggamit ng Google. Mas mabuti nang umaming may gustong linawin kaysa magkunwaring eksperto sa lahat ng bagay. Hindi rin kailangang abogado ang bawat senador para maging bahagi ng impeachment court. Ang Senado ay binubuo ng iba’t ibang halal na kinatawan, hindi lamang ng lawyers.
Pero dito papasok ang mas malaking punto: ang Google ay maaaring gamitin sa inisyal na pagsasaliksik, pero hindi ito dapat maging pangunahing sandigan sa isang seryosong paglilitis.
Sa ordinaryong mamamayan, sapat na minsan ang mabilisang search para maintindihan ang naririnig sa balita. Pero ang senator-judge ay hindi ordinaryong manonood. May kapangyarihan siyang bumoto sa kapalaran ng isang constitutional officer. May opisina siya, staff, consultants, legal advisers, research funds, at oras para pag-aralan ang batas, ebidensya, at proseso.
Kapag ang Senado ay umuupo bilang impeachment court, hindi ito regular na debate sa plenaryo. Hindi ito Facebook comment section. Hindi ito pelikula. Ito ay forum kung saan public trust, due process, at accountability ang nakataya.
Kung ang publiko ay nahihirapang sumabay sa legal na usapan, tungkulin ng mga senator-judge na maglinaw, hindi magdagdag ng kalituhan. Sila dapat ang nagpapakita na ang trial ay seryoso, hindi laro ng loyalty, instinct, o kulang na pagkaunawa.
Hindi kasalanan ang magtanong. Hindi kasalanan ang mag-research gamit ang internet. Pero sa impeachment, kulang ang basta “nag-Google.” Ang kailangan ay paghahanda, kababaang-loob na kumunsulta sa eksperto, at disiplina na magdesisyon batay sa ebidensya at batas.
Sa ganitong uri ng paglilitis, hindi sapat ang tapang sa pagsasalita o bilis sa pagbibitaw ng linya. Ang mas mahalaga ay kung sino ang handang makinig, umunawa, at humatol nang may sapat na paghahanda.
- Latest















