Arrest warrant vs Teves inilabas na

Sa kasong pagpatay kay Governor Degamo
MANILA, Philippines — Naglabas na kahapon ng warrant of arrest ang Manila City Regional Trial Court laban kay dating Negros Oriental Congressman Arnie Teves at apat na iba pa dahil sa pagpatay kay dating Governor Roel Degamo.
Ito ay makaraang tanggapin ni Manila RTC Branch 51 Presiding Judge Merianeth Pacita Zuraek ang karagdagang impormasyon na isinumite ng prosecution panel ng Department of Justice para sa 10 kasong murder at 16 kasong frustrated murder laban kay Teves at apat na iba pa.
“After a personal evaluation of the Amended Informations attached, together with the Resolutions and attached documents in support thereof, the Court finds probable cause for the issuance of a Warrant of Arrest,” ayon sa utos ng korte.
Bukod kay Teves, ipinapaaresto ng korte sina Angelo Palagtiw alyas “Angelu”, isang alyas “Sister”, Capt. Lloyd Cruz Garcia II at Nigel Electona.
Itinuturing na pangunahing utak sa pagpatay sa gobernador at 9 na iba pa si Teves matapos silang pagbabarilin sa bahay nito sa Negros Oriental noong Marso, 2023.
Walang piyansa na inilabas ang korte laban kina Teves at iba pang akusado.
Muli namang itinakda ang arraignment ng nasabing kaso at pre-trial conference sa Oktubre 4, dakong ala-1:30 ng hapon.
- Latest


















