2 tirador ng kable ng telecoms, tiklo
MANILA, Philippines —Dalawang kilabot na tirador ng kable ng Philippine Long Distance Telecoms (PLDT) ang naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa aktong nagpuputol ng mga kable sa panulukan ng Kamias Road at Kalayaan Ave., Brgy. Malaya, Quezon City, Huwebes ng madaling araw.
Ayon kay QCPD Director PBGen Christopher Olazo, ang mga suspek na sina alyas “Miguel,” 39, ng Brgy. U.P. Campus at “Shawn”, 24, ng Brgy. Krus na Ligas, ay huli sa aktong namumutol ng PLDT cable bandang alas-2:40 ng madaling-araw.
Sinabi ni QCPD Anonas Police Station (PS 9) Chief, PLt. Col. Maximo Beleo, namataan ng isang roving security guard ng PLDT ang mga suspek at nang lapitan ay agad tumakas sa magkakaibang direksyon sakay ng dalawang motorsiklo.
Narinig ng mga tauhan ng PS 9, na nasa malapit sa isang gasolinahan ang pagsigaw ng guwardiya kaya agad hinabol at naaresto ang dalawang suspek habang nakatakas ang dalawa pa nilang kasamahan.
Narekober sa mga suspek ang humigit-kumulang tatlong metrong copper cable ng PLDT na nagkakahalaga ng P31,146.13, isang cutter, at isang itim na motorsiklong KEEWAY na walang plaka.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 10515, o ang “Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013,” at RA No. 11235, o ang “Motorcycle Crime Prevention Act.
- Latest
















