‘Masaganang Buhay,’ kinilalang Child-Friendly TV Program

MANILA, Philippines — Ginawaran ng National Council for Children’s Television (NCCT) ang programang Masaganang Buhay ng Child-Friendly Television Program Award dahil sa paghahatid nito ng ligtas, edukasyonal, at makabuluhang nilalaman para sa mga manonood.
Ayon sa NCCT, isang attached agency ng Department of Education (DepEd), tampok sa programa ang mga makabuluhang aralin at praktikal na kaalaman sa gardening, farming, at sustainable living.
Ang Masaganang Buhay, na hino-host ni Mer Layson, ay napapanood sa OnePH, Cignal TV, Channel 1 at RPTV, gayundin sa Facebook at YouTube.
Nagpasalamat si Layson sa Diyos, sa kanyang pamilya, sa buong production team sa pangunguna ni Director Bing Cregencia, at sa pamunuan ng OnePH, Cignal TV at RPTV para sa natamong pagkilala. Nagpasalamat din siya sa mga tagasubaybay, advertisers at patuloy na sumusuporta sa programa.
Si Layson, isang magsasaka mula sa Mexico, Pampanga, ay kilala sa pagsusulong ng organic farming at urban gardening. Isa siya sa mga unang nagturo ng pagtatanim gamit ang mga recycled na lalagyan tulad ng plastik na bote, sako, timba at iba pang materyales.
“Food Security Starts at Home,” ani Layson.
- Latest























