10-anyos nalunod, lalaking sumagip, tepok

MANILA, Philippines — Dalawa katao kabilang ang isang 10-anyos na bata ang nasawi matapos na aksidenteng malunod sa Chico River sa Brgy. Cawayan, Pinukpuk, Kalinga kamakalawa.
Sa report ni P/ Capt. Tyrone John Balanay, hepe ng Pinukpuk Municipal Police Station (MPS) dakong alas-3:30 ng hapon nang mangyari ang insidente.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga biktima kasama ang isang 15-anyos na binatilyo ay nagkatuwaang maligo sa nasabing ilog.
Gayunman, napagawi sa malalim na bahagi ng ilog ang 10-anyos at tinangay ng malakas na agos.
Tinangka naman sagipin ng isang 20-anyos na lalaki ang bata pero kapwa sila nalunod.
Nagsagawa ng search and rescue operations ang mga awtoridad at narekober ang katawan ng mga bikrima sa ilog.
Naisugod pa ang dalawa sa Pinukpuk District Hospital pero kapwa idineklarang dead-on-arrival habang nakaligtas sa insidente ang 15-anyos.
- Latest




















