2 dedo sa salpukan ng kotse at motor
CAVITE, Philippines — Dalawa ang kumpirmadong patay matapos na sumalpok sa kasalubong na SUV ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa kahabaan ng Antero Soriano Highway Brgy. Lambingan, bayan ng Tanza, dito.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina alyas “Errol”, 37, driver ng Honda motorcycle (156 USK) at babaeng backrider na si alyas “Rose.”
Base sa ulat ng pulisya, madaling araw ng Linggo, magkaangkas ang dalawang biktima sa motorsiklo at bumabagtas sa lugar na may kabilisan ang takbo. Minamaneho naman ng suspek na si alyas “Alejandro” ang SUV na Suzuki Ertiga (NDF 6735) at patungo ang direksyon sa Tanza proper.
May kabilisan din ang takbo ng SUV kaya nang makasalubong ang motorsiklo ng mga biktima ay biglang nagsalpukan sanhi upang tumilapon ang mga biktima at kapwa wasak ang mga sasakyan.
Agad naitakbo sa Tanza Family General Hospital ang mga biktima subalit kapwa idineklarang dead-on-arrival.
Hawak na ng pulisya ang driver ng SUV at sinampahan ng mga kasong reckless imprudence resulting in 2-counts of homicide and damage to property.
- Latest















