Bomb threat sa DLSU Manila, klase sinuspinde

MANILA, Philippines — Nagsuspinde ng klase ang Manila campus ng De La Salle University (DLSU) kahapon ng hapon matapos na makatanggap ng bomb threat.
Sa abiso ng Office of the Provost ng DLSU, kanselado ang in-person at online classes ng kanilang Manila campus mula 1:00PM hanggang 6:00PM nitong Lunes habang inilipat naman sa online classes ang mga may klase ng 6pm.
Batay sa ulat ng Malate Police Station 9 (PS-9) ng Manila Police District (MPD), dakong alas-11:10 ng umaga nang matanggap ng unibersidad, ang bomb threat ngunit nai-report ito sa kanilang tanggapan dakong alas-12:40 ng tanghali nina Jose Billy O. Aguirre, Director Security Office ng DLSU at Colin G. Papa, Security Assistant Director ng DLSU.
Anila, natanggap umano ng isang Philip Rentillo, Associate dean ng DLSU Brother Andrew College of Education (BAGCED) ang email hinggil sa banta ng pagpapasabog kaya’t kaagad itong inireport sa kanilang security personnel at pulisya. Rumesponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng preliminary investigation at in-assess ang credibility at urgency ng banta.
Dito nila natuklasan na ang bomb threat ay nagmula sa sender na [email protected] kaya’t kaagad na nakipag-ugnayan sa MPD Anti-Cyber Crime Team para sa kaukulang technical assistance.
- Latest















