Chinese Ambassador Jing Quan ipinatawag ng DFA
MANILA, Philippines — Ipinatawag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro si Chinese Ambassador Jing Quan kaugnay ng kontrobersyal na pahayag na itinuturing ng Pilipinas na banta ng paggamit ng puwersa.
Ayon kay Lazaro, ang naturang pahayag ay mapanulsol at hindi katanggap-tanggap.
Sinabi rin niyang hindi nakatutulong ang ganitong mga pananalita sa pagpapalalim ng pag-unawa sa pagitan ng Pilipinas at China. Sa halip, lalo lamang nitong pinatitindi ang sensitibong ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa at pinahihina ang mga pagsisikap na mapalakas ang pagkakaunawaan at kooperasyon.
Iginiit pa ng kalihim na hindi nararapat para sa isang dayuhang embahada na hayagang punahin o tuyain ang mga opisyal at mambabatas ng Pilipinas na ginagampanan lamang ang kanilang mga tungkulin alinsunod sa kanilang mandato.
Binigyang-diin ni Lazaro na bilang isang demokratikong bansa, pinahahalagahan ng Pilipinas ang kalayaan sa pagpapahayag at ang pag-iral ng magkakaibang pananaw.
Hindi rin aniya tatanggapin ng bansa ang anumang pagtatangka ng isang dayuhang kinatawan na takutin o sindakin ang mga opisyal at indibidwal na malayang nagpapahayag ng kanilang mga saloobin.
Ayon pa kay Lazaro, mas nararapat na talakayin ang mga sensitibong usapin sa pamamagitan ng mga umiiral na diplomatikong pamamaraan at bilateral na mekanismo upang mapanatili ang pagkakataon para sa diyalogo at maayos na pag-uusap ng dalawang bansa.
- Latest


















