Ebidensya ng prosecution vs VP Sara, ipapasa sa Ombudsman
MANILA, Philippines — Handa ang House prosecution panel na i-turnover sa Office of the Ombudsman ang mga dokumento at ebidensya kaugnay ng mga kaso ni Bise Presidente Sara Duterte, kabilang ang mga isyu sa confidential funds at mga binawing Articles of Impeachment, sakaling pormal itong hilingin ng ahensya o aprubahan ng liderato ng Kamara.
Ayon kay House prosecutor Joel Chua na ang hakbang ay matapos ang panawagan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa mga prosecutors na ibigay sa kanila ang mga rekords hinggil sa mga kinukuwestiyong hindi wastong paggamit ni VP Sara sa confidential funds.
Una nang inaprubahan ng Senate impeachment court ang pagbawi ng tatlong kaso laban kay VP Sara at natira na lamang ang unexplained wealth sa ilalim ng Article II.
Nabatid na nais na higit pang palalimin ng Ombudsman ang kaso matapos naman ang resolusyon na inilabas ng Commission on Audit (COA) na ibinasura ang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni VP Sara kaugnay ng P73.287 milyon na disallowed confidential expenses na ginasta noong Disyembre 2022. Ang nasabing pondo ay ipinasosoli ng COA.
Binigyang diin naman ni Chua na hindi porke binawi ang isyu sa confidential funds sa Senate impeachment court ay nangangahulugang hindi na ipupursige ang pagwawaldas ng pondo ng gobyerno at maging ang iba pang mga kaso.
- Latest















