Kapulisan, handa sa Setyembre 21 rally
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Malacañang na nakahanda ang Philippine National Police (PNP) sa nakatakdang malawakang kilos-protesta ng ilang militanteng grupo sa Setyembre 21. Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi pinipigilan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karapatan ng mamamayan na magpahayag ng saloobin sa pamamagitan ng mga pagtitipon.Giit ni Castro, hindi na kailangang mauwi sa karahasan o pananakit ang protesta dahil nakikinig ang Pangulo sa hinaing ng taumbayan.
Dagdag pa niya, nagpapatuloy ang mga proyekto at programang pangtulong ng pamahalaan, kabilang ang pagpapanagot sa mga sangkot sa maanumalyang flood control projects.
Nanawagan si Castro sa mga grupong lalahok sa kilos-protesta na iparating ang kanilang mensahe sa mapayapang paraan.“Handa po ang ating kapulisan sa darating na September 21. At ang dasal lang po natin at ang pakiusap sa ating mga kababayan, karapatan ninyo po ang magsalita, karapatan ninyo po ang manawagan, huwag na lang po sana maging marahas, at ang karapatan naman po ninyo na manawagan ay para madinig kung ano ang nais ninyong ipadinig at makarating sa ating pamahalaan,” ani Castro.
- Latest

















