^

Bansa

Duterte personal na humarap sa ICC

Malou Escudero - Pilipino Star Ngayon
Duterte personal na humarap sa ICC
Photos courtesy of the International Criminal Court show former president Rodrigo Duterte during his first in-person appearance before the tribunal since his arrest in March 2025.
Photos/ICC | via Janvic Mateo

MANILA, Philippines — Personal na humarap sa International Criminal Court (ICC) noong Miyerkules si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa kauna-unahang pagkakataon mula nang siya ay kasuhan kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga na ikinasawi ng libu-libong katao.

Ang 81-anyos na si Duterte ay unang lumitaw sa korte sa The Hague sa pamamagitan ng video link, ngunit hindi na dumalo sa mga sumunod na pagdinig matapos igiit ng kanyang depensa na siya ay may malubhang karamdaman.

Nakasuot ng dark suit at puting polo na walang kurbata, nakitang nakaupo si Duterte habang nakapatong ang kanyang baba sa mga kamay nang magsimula ang proceedings.

Napansin ni Judge Joanna Korner ang unang personal na pagharap ni Duterte at binigyang-diin na maaari siyang umalis anumang oras nang hindi humihingi ng pahintulot sa mga hukom.

Nahaharap si Duterte sa tatlong kaso ng crimes against humanity, kung saan sinasabi ng prosekusyon na sangkot siya sa hindi bababa sa 76 na pagpatay mula 2013 hanggang 2018 sa ilalim ng kampanya kontra droga. Siya ang kauna-unahang dating pinuno ng isang estado sa Asya na haharap sa paglilitis sa ICC, na nag-uusig sa pinakamabibigat na krimen gaya ng war crimes at crimes against humanity.

Itinakda ni Judge Korner ang Nob­yembre 30 bilang simula ng paglilitis, na inaasahang tatagal ng ilang buwan o posibleng taon. Ang pagdinig nitong Miyerkules ay isang status conference para talakayin ang mga detalye at usa­ping logistical ng kaso.

Sa naunang dalawang status conference, ini-waive ni Duterte ang kanyang pagharap. Tinalakay ng Trial Chamber ang listahan ng mga testigo ng prosekusyon, oras na ilalaan sa presentasyon, ebidensya, disclosure sa depensa, at iba pang insidente.

Mula nang maaresto noong Marso 2025, tanging sa unang video appearance lamang nakita si Duterte bago ang personal na pagharap na ito. Sa dokumentong inilabas noong Martes, sinabi ng kanyang depensa na patuloy siyang nakararanas ng malalang problema sa memorya at hirap maalala ang mga nakaraan.

ICC

RODRIGO DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with