Tangkang pagpupuslit sa Pinas ng P56 milyong shabu mula Thailand, napigilan ng BOC

MANILA, Philippines — Nahadlangan ng Bureau of Customs (BOC) ang tangkang pagpupuslit sana sa Pilipinas ng may P56.399 milyong halaga ng shabu, na nakumpiska nila sa isang balikbayan box na dumating sa Manila International Container Port (MICP) mula sa Thailand.

Ayon kay BOC Commissioner Bien Rubio, ang shabu packets na tumitimbang ng kabuuang 8,294 gramo ay nagpositibo sa ginawang pagsusuri ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at nadiskubreng nakatago sa loob ng dalawang electric fans at limang water heaters.

Ang shipment ay naka-consigned sa Philippians 419 Export and Import GEN MDSE Corp. at isang Frejail Calugay ang recipient nito.

Sinabi ni CIIS Director Verne Enciso na nakatanggap ang CIIS Field Station-MICP ng “derogatory information” hinggil sa shipment, na dumating sa Manila port noong Abril 7 at unang idineklarang naglalaman ng mga household items, sapatos at motor parts mula sa Thailand.

Base sa impormasyon na kanilang natanggap, naglalaman rin ng ilegal na droga at misdeclared at undeclared items na malaunan ay naberipika naman sa small baggage x-ray scanning at 100% physical examination na isinagawa ng nakatalagang Customs examiner sa Designated Examination Area (DEA) sa MICP matapos ang hiling na kaagad inaprubahan ni District Collector Mimel Talusan.

Pinuri naman ni Deputy Commissioner for Customs Intelligence Group Juvymax Uy ang operasyon at iginiit ang kahalagahan nang pagtiyak na hindi ito maipapakalat at makakapaminsala sa komunidad.

Show comments