Cotabato shootout pinaiimbestigahan sa Senado

Senator Ronald "Bato" Dela Rosa
Senator Ronald "Bato" Dela Rosa/Facebook page

MANILA, Philippines — Umapela kay Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Senator Ronald “Bato” Dela Rosa si Cotabato Mayor Mohammad Ali Dela Cruz Matabalao na imbestigahan ang mga akusasyon laban sa Philippine National Police (PNP) at mga insidente ng pamamaril na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo at pagkasugat ng iba pa sa Cotabato City.

Sa liham na natanggap ng tanggapan ni Dela Rosa kahapon, ang mga akusasyon ay lumabas matapos ang isang insidente ng pamamaril noong Oktubre 23,2023 sa Brgy Rosary Heights 12, Cotabato City na nagresulta sa pagkasugat ng maraming indibidwal at pagkamatay ng tatlo kabilang sina Alfarr Avunan, kandidato para sa barangay konsehal sa Kalabangalan 2; Nur-Moctaqin Butucan, kandidato para sa barangay councilor sa Rosary Heights 12; at si Faisal Abas, residente ng Kalanganan 2.

Ibinunyag ni Barangay Captain Bimbo Ayunan Pasawiran ang mga akusasyon laban sa PNP kung saan dawit din ang Scene of Crime Operations (SOCO) at iba pang hindi tinukoy na mga “influential” na personalidad sa loob ng Cotabato City.

Ayon kay Matabalao, sakaling mapatunayan na totoo ang mga paratang na ito ay maaaring hindi lamang madumihan ang reputasyon ng PNP kundi mailalagay sa panganib ang matagal nang iningatan na kapayapaan at kaayusan ng Cotabato City.

Sa liham pa ng alkalde, sinabi nito na ang ilan sa mga akusasyon ni Ayunan laban sa PNP ay dinoktor umano ang mga resulta ng paraffin test ng SOCO; pineke umano ng pulisya ang report; ginugulo umano ng PNP ang siyudad sa halip na magpanatili ng kapayapaan at kaayusan; at ang diumano’y planong pagtatanim ng droga kay Ayunan.

Show comments