^

Bansa

'Mas magiging mahusay siya' — Hontiveros kay VP Leni bilang drug czar

Philstar.com
'Mas magiging mahusay siya' � Hontiveros kay VP Leni bilang drug czar
"Maniwala kayo sa akin, mas magiging mahusay siya: 'yung walang mamamatay na inosente at walang maaalagaang druglord (Peter Lim)," sabi ni Sen. Risa Hontiveros sa magkahalong Inggles at Filipino.
AFP/Noel Celis, File photo

MANILA, Philippines — Naniniwala ang isang senadora na magiging mas mahusay sa kasalukuyang administrasyon si Bise Presidente Leni Robredo sa pag-aayos ng kampanya kontra-droga ngayong tinanggap na niya ang pagiging co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs.

"Maniwala kayo sa akin, mas magiging mahusay siya: 'yung walang mamamatay na inosente at walang maaalagaang druglord (Peter Lim)," sabi ni Sen. Risa Hontiveros sa magkahalong Inggles at Filipino.

Pero hindi raw ito basta-basta makakamtam.

Ayon kay Hontiveros, dapat ay maging igawad sa kanya ng gobyerno ang mga kinakailangang kapangyarihan at rekurso upang magtagumpay.

"Bigyan siya ng buong laya na ipatupad [ang drug war] sa balangkas ng public health at law enforcement na nakabatay sa karapatang pantao," sabi ng opposition na senadora.

Miyerkules nang tanggapin ni Robredo ang posisyon na itinalaga sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kahit na kritiko siya mismo ng madugong gera kontra-droga.

"Kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente, at mapanagot ang dapat managot, papasanin ko ito," wika ni Robredo kanina.

Aniya, susubukan niyang tupdin ang panibagong trabaho kung nangangahulugan ito na meron siyang "maililigtas na kahit isang inosenteng buhay."

Nasa mahigit 6,000 na ang namamatay sa "war on drugs" simula nang maupo sa pwesto si Duterte noong 2016, ayon sa Philippine National Police noong Agosto.

Sa kabila ng pagkagalak sa pagtanggap ni VP Leni sa posisyon, pinag-iingat siya ngayon ng kanyang mga kaalyado.

"Hindi namumulitika si Leni sa buhay ng mga tao. Alam naming naigpawan niya ang kanyang mga duda buhat ng kanyang sinseridad, naigpawan niya ang amin," wika ng Liberal party sa isang pahayag.

"Kung seryoso ang administrasyon, alam naming mas seryoso si VP Leni na tumulong."

Dagdag ng partido na kinabibilangan ni Robredo, maaaring magamit ang gera kontra-droga para maging gera kontra-kahirapan — 'di kontra-mahirap — kung tutulungan ng administrasyon.

Palasyo nagalak

Optimistikong sinalubong naman ng Palasyo ang pagtanggap ni Robredo sa alok ni Duterte.

"Ikinalulugod namin ang pagtanggap ni Robredo sa pagiging anti-illegal drugs czar," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing.

"Welcome back sa Cabinet, Bise Presidente Leni."

Wika ng tagapagsalita ni Duterte, ipinakikita lang daw ng pagtanggap ni Robredo na mas matalino siya kaysa sa mga kasama niya sa oposisyon.

Gayunpaman, pinasinungalingan ni Panelo ang pahayag ni Robredo na layon ni Duterte na mabigo siya sa pagharap ng kampanya kontra-droga.

"Ang tagumpay niya [ni Robredo] ay tagumpay ng Gabinete, ng administrasyon at ng mamamayang Pilipino," sabi niya.

Oras na mabigo raw kasi siya sa nais niyang reporma ay kabiguan din daw ito ng gobyerno: "Tingin ko hindi natin gusto 'yon."

Ngayon din daw na siya na ang drug czar, duda si Panelo na magpapatuloy pa rin ang kanyang pambabatikos dahil siya na ang kumokontrol ng sitwasyon.

Sa ngayon, kailangan daw muna niya kausapin mismo ang presidente upang maplantsa kung ano ang nais niyang gawin.

Inimbitahan na rin daw si Robredo sa pagpupulong ng Gabinete ngunit puno raw yata ang kanyang engagements kung kaya't hindi makapunta.

Kampo ni Robredo: Kapangyarihan 'di pa klaro

Sa kabila ng pagtanggap ni Robredo sa posisyon, aminado ang kanyang kampo na hindi pa rin klaro kung ano ang magiging saklaw ng kanyang kapangyarihan.

"[Ang papel ng Philippine Drug Enforcement Agency at bise presidente] ay hihimayin pa sa mga susunod na araw. Aabot ang punto na kailangan nila iresolba 'yan sa mga susunod na araw," ayon kay Barry Guttierrez, tagapagsalita ni Robredo.

Magiging co-chair ni Robredo ang PDEA, na pinangungunahan ni director general Aaron Aquino.

Ang sigurado raw sa ngayon ay hindi aatrasan ni Robredo ang kanyang mandato upang "maayos ang kakulangan ng drug war."

"Pinanghahawakan namin dito yung sinabi ng ating pangulo. Ayon sa presidente, ibibigay niya ang pamumuno rito sa kanya, at inuutusan niya ang mga ahensya na makipagtulungan sa kanya. Kung hindi sila susunod, pananagutan nila yun," wika pa ni Gutierrez.

Samantala, hinamon naman ng Bayan Muna party-list ang ang bagong ICAD co-chair.

Bagama't hati ang mga militanteng mambabatas sa kanyang desisyon ay umaasa silang paiimbestigahan agad ni Robredo ang mga kaso ng extra-judicial killings kaugnay ng droga.

"Dapat simulan ni VP Leni ang mga imbestigasyon sa mga pulis na sangkot sa pagkamatay ng mahigit 5,000 sa ilalim ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel," ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Dapat din daw na isapubliko na ang lahat ng datos patungkol sa mga drug operations at imbitahan ang investigators ng United Nations at iba pang independent bodies patungkol sa kampanya. — may mga ulat mula kay Alexis Romero

vuukle comment

DRUG CZAR

LENI ROBREDO

RISA HONTIVEROS

SALVADOR PANELO

WAR ON DRUGS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with