Duterte at CBCP president may ‘one-on-one’ dialogue
MANILA, Philippines — Nagkasundo sina Pangulong Duterte at Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) President at Davao Archbishop Romulo Valles na magkaroon ng one-on-one dialogue.
Kinumpirma ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos siyang makipag-usap kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia Papal Nuncio Residence sa Taft Avenue, Maynila.
Napag-alamang nagkaroon ng isang oras na private meeting sina Roque at ng Papal Nuncio kung saan itinuturing ng kalihim na mabunga ang nasabing pag-uusap.
Sinabi rin ni Roque na napagkasunduan sa nasabing meeting na magtutulungan ang gobyerno at ang Simbahan para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Magugunitang si Pangulong Duterte ang inimbitahan ng Papal Nuncio na siyang kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas para dumalo sa selebrasyon ng Pope’s Day pero hindi ito nakadalo at ipinadalang kinatawan sina Sec. Roque, Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella at Pastor Boy Saycon.
Ang nasabing meeting nina Roque at ng Papal Nuncio ay naganap kasunod ng “stupid God” remarks ni Pangulong Duterte at pagtuligsa nito sa ilang doktrina ng Simbahang Katolika.
- Latest