Burol ng ‘Pinay sa freezer’ bibisitahin ni Digong

MANILA, Philippines — Inaasahan ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa burol ng OFW na si Joanna Demafelis sa loob ng linggong ito sa Iloilo.
Kinumpirma mismo ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa media briefing sa Malacañang kahapon.
Magugunita na kamakailan ay dumating na ang bangkay ng OFW na si Demafelis na nakita sa freezer na dumanas ng pahirap mula sa kamay ng mga among Lebanese at Syrian sa Kuwait.
Sinabi ni Sec. Roque na sa ngayon, nakapagpaabot na ang gobyerno ng inisyal na tulong sa mga naulilang mahal sa buhay ni Demafelis. Kabilang na rito ang death and burial benefits, at tulong pinansiyal sa pamilya.
Nakatitiyak din si Roque na magbibigay din ng kaniyang tulong si pangulong Duterte sa mga kaanak ng biktima kapag nakaharap niya ang mga ito sa burol.
Matatandaan na ang kasong ito ni Demafelis ang nag-udyok ng galit ni Pangulong Duterte sa gobyerno ng Kuwait dahil sa kawalan umano ng aksyon ng mga ito sa dinaranas na pagmamaltrato roon ng ating mga kababayan sa kamay ng kanilang mga amo, dahilan para ipahinto nito ang deployment ng ofw sa nasabing bansa.
Related video:
- Latest

























