Bill vs bullying aprub na sa Senado

MANILA, Philippines - Inaprubahan kahapon sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang-batas na naglalayong masawata ang bullying sa hanay ng mga estudyante sa elementary at high schools.

Ayon kay Senator Edgardo Angara, chairman ng Senate Committee on Education, Arts and Culture, ang nasabing panukala na may titulong “An act requiring all elementary and secondary schools to adopt policies to prevent and address the acts of bullying in their institutions” ay kumbinasyon ng House Bill 5496 at ng Senate version na isinulong naman niya at nina Senators Antonio Trillanes IV at Miriam Defensor-Santiago.

Sinabi ni Angara na walang dahilan para ipahintulot ng mga eskuwelahan ang nangyayaring bullying na nagiging sanhi para ma-trauma ang mga biktima kung saan ang ibang bata ay nagpapakamatay pa.

Ayon sa isang research, lumalabas na one-third ng mga estudyante sa Pilipinas o nasa 2.5 milyon ay nakakaranas ng verbal at physical na pangbu-bully.

Ang Department of Education naman umano ay nakatanggap ng kabuuang 112 kaso ng child abuse sa pagitan ng Mayo at Agosto 2012.

Inihayag din ni Angara na bagaman at nagpalabas ng child protection policy ang DepEd sa pamamagitan ng Department Order 40, hindi naman ito pangmatagalan at isa lamang “temporary interim measure” laban sa bullying.

Show comments