Miriam hindi magre-resign

MANILA, Philippines - Pinanindigan kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago na hindi siya magbibitiw sa puwesto kaya 12 posisyon lamang para sa bakanteng puwesto sa Senado ang dapat ihanda ng Comelec sa mga balota.

Ayon kay Santiago, hindi niya kailangang magbitiw bilang senador hangga’t hind siya ipinapatawag ng International Criminal Court (ICC).

Muling iginiit ni Santiago na hindi aniya siya dapat madaliin sa pagbibitiw sa puwesto lalo pa’t hindi pa naman matiyak sa ngayon kung kailan siya ipatatawag sa ICC.

Ipinaliwanag ni Santiago ang isang probisyon sa ICC Charter na kilala rin sa tawag ng Rome Statute kung saan sinasabing ang sinumang incumbent judge ay hindi papayagang magretiro hangga’t hindi nito natatapos ang trial kung saan naging bahagi siya ng pagdinig.

Sinabi ni Santiago na ang isang bagong halal na judge ay kinakaila­ngang maghintay sa isang incumbent judge na matapos ang mga hinawakang trial upang mabakante nito ang kaniyang puwesto bago siya mag-retire.

Napaulat na mismong si Comelec Chairman Sixto Brillantes na ang nagtanong kung kailan magbibitiw sa Senado si Santiago bilang paghahanda sa 2013 senatorial elections kung saan gagawing 13 ang bakanteng posisyon.

Show comments