Rolbak uli ipinatikim

MANILA, philippines - Muling nag-rolbak ng presyo ang isang higanteng kompanya ng langis bunsod ng patuloy na pagbaba ng halaga nito sa world market.

Dakong alas-12:01 kahapon ng madaling araw epektibo ang ginawang pagtapyas ng Petron Corporation ng P0.35 kada litro sa diesel at kerosene habang P0.45 naman kada litro sa premium at unleaded gasoline at P0.90 naman para sa regular gasoline.

Ayon kay Raffy Le­desma, Strategic Communications Manager ng Petron Corp., ang ibinawas nilang pres­yo sa kanilang produkto ay sumasalamin lamang sa pagbagsak ng halaga sa pandaigdigang pamilihan.

Sa kabila nito, hindi naman nasiyahan ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa ginawang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.

Anila, mga ilang araw lamang nila mararamdaman ang ginawang pagbaba ng presyo ng gasolina at bigla na naman itong itataas kaya’t balewala rin sa kanila ang ginawang bawas presyo ng Petron.   

Inaasahan namang susunod na rin sa rolbak ang iba pang kompanya ng langis.

Show comments