SALN ng mga kongresista ayaw ilantad

MANILA, Philippines - Taliwas sa naunang mga pahayag na bukas sa publiko ang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) ng mga kongresista, tumatanggi pa rin ngayon ang liderato ng Kamara na ilabas ang kopya ng 2011 SALN ng mga mambabatas.

Ito’y matapos tanggihan ng tanggapan ng House Secretary General at ni Atty. Ricardo Be­ring, director ng records management service, ang request ng media para sa kopya ng SALN ng 284 na kongresista.

Paliwanag ni Bering, kailangan munang sundin ang standard operating procedures sa paglalabas ng dokumento.

Sa ilalim ng proseso, magsusumite muna ang sinumang nais makakuha ng SALN ng dalawang kopya ng official request, dadaan sa interview at saka isasailalim sa ebalwasyon ng service director.

Ipapasa naman ito sa legal department ng Kamara na siyang magsasagawa ng panibagong evaluation at nakadepende dito kung pagbibigyan ang request ng sinumang nais humingi ng kopya ng SALN.

Nauna nang inihayag ni Bering na si boxing champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang siya pa ring nananatiling pinakamayaman na kongresista.

Show comments