'Global donations' kay Lanuza

MANILA, Philippines - Isinulong ng isang Pinay philantrophist at lawyer sa Estados Unidos ang apela at panawagan na ‘global donations’ para sa “blood money” ng OFW na si Dondon Lanuza na nakatakdang bitayin sa Saudi Arabia.

Ang fund raising drive ay pinalawak ng Filipino community sa New York sa pamumuno ng kanilang lider na si Loida Nicolas-Lewis upang mabuo ang halagang 3 milyong Saudi Riyal (SAR) o P35 milyon na tinatarget na malikom hanggang sa susunod na buwan kapalit ng “tanazul” o pagpapatawad kay Lanuza.

Sa panayam kay Lanuza, 37, sa tulong ni Lewis ay nakakalap na sila ng SAR1.5 milyon kabilang na rito ang alok ng Department of Foreign Affairs na 400,000 Saudi Riyal bilang ambag.

Nabatid na naantig ang damdamin ni Lewis sa sinapit ni Lanuza na nakakulong ng halos 11 taon sa Dammam jail. Sinentensyahan si Lanuza ng Dammam court ng “death by beheading” noong 2002 matapos mapatay ang isang Saudi national noong 2000.

Noong Pebrero, 2011 sinimulan ni Mrs. Letty Lanuza, ina ni Dondon ang fund raising subalit nakalikom lamang sila ng $13,000.

Idinulog kay Lewis ang nasabing apela ng pamilya Lanuza kaya mabilis siyang tumugon nang personal din silang magkita ni Ginang Lanuza sa Manila kamakailan.

Si Lewis ang kauna-unahang Pinay na naging abogado sa Estados Unidos na hindi nag-aral ng Law sa Amerika at misis ng isang milyunaryong negosyante.

Ayon kay Lewis, isang Pinoy si Dondon na dapat tulungan ng kapwa mga Pinoy sa iba’t ibang panig ng mundo.

Show comments