'Accuser' ni Mike A credible witness daw

MANILA, Philippines - Naniniwala si Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-LABAN) Secretary General Jose de Venecia lll na “credible witness” ang negosyanteng si Archibald Po laban kay dating First Gentleman Mike Arroyo dahil maganda ang reputasyon nito sa business community dahil sa pagiging tapat at prangka nito.

Ayon kay de Venecia, wala siyang alam na dahilan ng dating First Gentleman pero wala din naman siyang nakikitang dahilan para magsinungaling si Po sa publiko nang ibulgar niyang ito (FG) ang nagbenta ng dalawang second-hand na helicopters sa PNP sa pagkukunwaring mga brand new ito.

Aniya, matibay na ebidensya ang mga inilabas na dokumento ni Po na si Arroyo ang may-ari ng mga helicopter at nakipagsabwatan ito sa ilang opisyal ng PNP upang maibenta ito sa mas mataas na presyo.

Samantala, lalo aniyang tumibay ang mga ina­akusa sa pamilya Arroyo nang lumutang ang naka­babatang kapatid ng dating Unang Ginoo na si Rep. Ignacio­ Arroyo at ibinukong “inaarkila” nila dati ang mga nasabing helicopter.

Nadiin lalo si Arroyo nang aminin ni Rowena del Rosario, dating bookkeeper ng mga Arroyo sa kanilang pag-aaring LTA Inc, sa pagdinig ng Senado na inarkila ng mga dating amo ang dalawang helicopter.

Ipinakulong siya ng Senado nang ipagmatigasan niyang hindi niya matandaan kung ibinayad nga ng mga Arroyo sa Lionair, kompanya ni Po, ang halagang $500,000.

Show comments