Mike A sabit din sa DBP anomaly?

MANILA, Philippines - Nasasabit ngayon ang pangalan ni dating First Gentleman Mike Arroyo sa anomalya sa Development Bank of the Philippines (DBP) na nagtulak umano sa pagpapatiwakal ng abogado nitong si Benjamin Pinpin. 

Matatandaan na nagbaril sa loob ng isang hotel sa Las Piñas City nitong Agosto 2 si Atty. Pinpin, 43.

Iniwan ni Pinpin sa kanyang asawa ang mga importanteng dokumento ng DBP na sinasabing maaaring magbigay-linaw sa maanomalya umanong pagpapautang ng P660 milyon sa Delta Ventures Resources Inc. na pag-aari ng negosyanteng si Roberto Ongpin na malapit umano sa dating Unang Ginoo noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi ng misis ni Pinpin na si Amelia na napuwersa umano ang kanyang mister na pumirma ng affidavit na isinasabit ang kanyang mga superyor na opisyal sa maanomalyang transaksyon. 

Nakasaad pa sa suicide note na sana ay sinunod niya ang sinasabi ng kanyang puso at hindi ang pagdadalawang isip niya.

Naniniwala naman si Benilda Tejada, Chief Legal Counsel ng DBP na naging biktima lamang si Pinpin sa naganap na ma-anomal­yang transaksiyon at naipit siya sa isang sitwasyon na naging daan upang pagsisihan niya sa dakong huli.

Show comments