Trike driver nagbigti

MANILA, Philippines - Tinotoo ng isang tricycle driver ang kanyang pananakot sa kanyang kasintahan na wawakasan nito ang kanyang buhay makaraang magbigti sa loob ng kanyang bahay, kahapon ng umaga sa Pasay City.

Isinugod sa Villamor Airbase Hospital ngunit hindi na rin umabot ng buhay si Elezer Pacris, 25, residente ng Lot 10 Block 1 827 St., Villamor Airbase, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Pasay Police, dakong alas-5 ng madaling araw nang madiskubre ng 34-anyos na si Edwin ang nakabigting katawan ng nakakabatang kapatid sa loob ng kuwarto nito.

Nabatid ng mga imbestigador na isang away ang naganap sa pagitan ni Pacris at hindi nakilalang kasintahan nito sa hindi mabatid na dahilan. Dito umano nanakot si Pacris sa kasintahan na magpapakamatay kapag hindi sila nagkasundo na hindi pinansin ng babae.

Sinisisi naman ng pamilya ni Pacris ang naturang babae nang totohanin ni Elezer ang banta at tuluyang kitlin ang sariling buhay.

Show comments