Japan nuke alert level 7 na!

MANILA, Philippines - Inilagay na sa pinakamataas na alarma (alert level 7) ang Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant sa Japan matapos umabot na sa pinakama­tindi ang pagkalat ng radiation sa nasabing lugar.

Ayon sa report ng Japan Nuclear Safety Agency, maituturing na “worst level” na sa kasaysayan nag paglalagay sa Daiichi nuke plant sa alert level 7 mula sa level 5, kapantay ng Chernobyl Nuclear Power Plant na sumabog noong April 26, 1986 na nagbunsod ng radioactive contamination (iodine-131) sa himpapawid at kumalat sa Western Russia at Europe.

Bunsod nito, inutos na kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mandatory repatriation sa may 3,133 Pinoy na nasa 50-100 kilometer radius malapit sa Daiichi nuke plant. Sa nasabing bilang 1,144 Pinoy ang nasa loob ng may 50 km danger zone at 1,989 Pinoy naman ang nasa 80km radius mula sa planta.

Sa Linggo, Abril 17 sisimulan ng DFA ang repatriation. Sagot ng pamahalaan ang gastos sa pagpapalikas.

Ang paglalagay sa alert level 7 sa Japan nuke plant ay matapos ang sunud-sunod na malalakas na aftershocks na umabot hanggang 7.1 magnitude.

Gayunman, sinabi ng Japan na mas mababa pa rin ang radioactive particles na lumalabas sa planta kumpara sa Chernobyl kung saan marami ang naging kaso ng radiation sickness at raised long-term cancer rates sa Ukraine at mga apektadong bansa.

Show comments