Ligot bantay sarado

MANILA, Philippines - Bantay sarado ng mga tauhan ng Office of the Senate sergeant-at-arms si dating military comptroller Jacinto Ligot na nakakulong ngayon sa detention room sa basement ng Senado matapos arestuhin kamakalawa ng gabi sa kanyang bahay sa Taguig.

Ayon kay Senate sergeant-at-arms Jose Balajadia Jr. binabantayan rin nila maging ang kalusugan ni Ligot dahil dalawang beses itong nag-i-insulin dahil sa sakit na diabetes.

Ipinag-utos rin ni Balajadia sa kaniyang mga tauhan na huwang ilo-lock ang kuwarto ni Ligot at dapat itong silipin tuwing ika-30 minuto o kalahating oras upang masiguradong maayos ang kalagayan nito.

Hindi anila gugustuhing may mangyaring masama kay Ligot habang nasa pangangalaga ng Senado.

Bagaman normal naman ang blood pressure nito ay mataas naman ang blood sugar.

Samantala, sinabi ni Senator Teofisto Guingona Jr., chairman ng blue ribbon committee na depende na sa mga magiging sagot ni Ligot sa gagawing hearing ang mabilis na pagpapalaya sa kaniya.

Nilinaw naman ni Guingona bagaman at si dating general Ligot lamang ang inilagay sa kustodiya ng Senado, hindi nangangahulugan na ligtas na si Mrs. Ligot sa blue ribbon.

Maaari muling magpadala ng doktor ang Senado sa bahay ni Mrs. Ligot kung matutuloy ang hearing ng komite sa Miyerkules at muli nitong iisnabin ang pagdinig.

Hindi na ipinaaresto ng mga senador si Mrs. Ligot dahil sa “humanitarian reason” bagaman at kasama ito sa ipinalabas na contempt order.

Nainis ang mga senador sa mag-asawang Ligot dahil sa improper invocation ng “right against self incrimination”.

Show comments