P1,400 kada buwan sa mahihirap

MANILA, Philippines - Tatanggap ng P1,400 kada buwan o P15,000 bawat taon ang mahihirap na pamilya bilang bahagi ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang 4Ps program ay naglalayong matulungan ang mahihirap na pamilyang Pilipino na mapipili ng DSWD kung saan bibigyan ng tulong pinansiyal na gagamitin sa pagpapa-aral ng kanilang anak sa loob ng limang taon.

Sa ilalim ng programa, ang pamilyang mapapabilang ay dapat ding regular na pupunta sa health center upang sumailalim sa medical check-up.

Ayon kay DSWD IV-A Regional Director Honorita Bayudan, mahalagang sundin ng mga pamilyang benepisyaryo ang panuntunan ng ahensiya tulad ng regular na pagdalo sa Parent Effective Seminar (PES) at pagbabawal sa pagsusugal at pag-inom ng alak.

Ang mga magulang na hindi makasusunod ay tatanggalin ng DSWD sa listahan at hindi na muling makakasali sa programa.

Ang naturang halaga ay kanilang kukunin sa ATM machine ng Land Bank.

Una nang napagkalooban ng P4,200 sa ilalim ng 4Ps program ang may 500 mahihirap na pamilya sa bayan ng Jomalig sa Lucena City.

Show comments