Graduates hinikayat sa IT at tourism
MANILA, Philippines - Hinikayat ni Press Secretary Crispulo Icban Jr. ang mga bagong high school graduates ngayong taong ito na pag-isipan ang pagkuha ng mga kursong information technology, tourism at scientific methods sa agricultural at industrial production dahil ang mga ganitong trabaho ang kinakailangan sa loob at labas ng bansa.
Sa kaniyang talumpati sa 95th commencement exercises sa Pampanga High School kung saan nag-aral si Icban, sinabi nito sa nasa 1,700 na nag-graduate na ituon ang kanilang pag-aaral sa mga kursong madaling makakuha ng trabaho.
Sinabi ni Icban na bagaman at mayroon pa rin namang oportunidad sa mga “traditional fields” katulad ng abogasya at medisina, mas malaki ang oportunidad sa ICT, tourism, at scientific sides ng agrikutura at industriya.
Ayon pa kay Icban, simula nang maging miyembro siya ng Gabinete ni Pangulong Arroyo, natuklasan niya ang napakalaking oportunidad sa Philippine cyber industry.
Mula aniya sa pagiging “infant industry” na may 2,000 katao lamang noong 2001, naging malaking negosyo na ito kung saan umaabot na ang kita sa $7.2 bilyon noong 2009.
Ayon pa kay Icban, nakita ng mga foreign investors ang kakaibang kakayahan ng mga Pilipino hindi lamang sa computers kundi maging sa pakikipag-usap sa tao kahit nasa ibang bansa. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending





















