Biyahe ng PNP officials sa Germany binira ng solons

Binatikos kahapon ng ilang mambabatas ang pagbibiyahe sa Mu­­ nich, Germany noong unang linggo ng Oktubre ng ilang opisyal ng Philippine National Police sa pangunguna ni Director Geary Barias ng PNP Directorial Staff.

Sinabi ni House of Representatives De­puty Minority Leader at Bayan Muna partylist Rep. Satur Ocampo na kailangang ipaliwanag sa publiko ang naturang biyahe at ang naging gas­tusin dito.

“Maliban na lang kung sangkot ang pam­bansang seguridad, kailangang malaman ng publiko ang tungkol sa pagbibiyaheng ito,” sabi pa ni Ocampo. 

“Dapat maging sen­sitibo ang matataas na opisyal ng PNP sa ma­giging pananaw ng ma­mamayan. Nakuku­wes­tyon ngayon ang kani­lang integridad,” sabi naman ni Manila Rep. Bienvenido Abante.

Ayon sa tagapa­ngulo ng Movement for Clean Governance na si Ruel Pascual, hindi dapat itinuloy ang bi­yahe sa Munich dahil kabagu-bago lang ng iskandalo ng tinatawag na Euro generals.

Napaulat na mag­kakasama umano sa Munich sina Barias, Quezon City Police District Chief Sr. Supt. Mag­tanggol Gatdula, District Operations Chief Sr. Supt. Federico Laciste at District Mobile Force Chief Sr. Supt. Neri Ila­gan.

Iginiit naman ng QCPD sa isang paha­yag na isang opisyal na tungkulin ang nabanggit na biyahe sa Munich kasunod ng imbitasyon ni Horacio Lactao, sergeant at arms ng House. (Butch Quejada)

Show comments