‘GO Ad istupido’ – Ping

Davao City - Istupido ang isang bagong anunsyong pangampanya ng Genuine Opposition dahil hindi nito mahihimok ang masa na iboto ang mga senatoriables ng partido.

Ito ang mariing puna kahapon ni GO reelectionist Senator Panfilo "Ping" Lacson ng matanong sa campaign ad na pinamahalaan nina Senador Serge Osmena, campaign manager ng oposisyon at San Juan Mayor Joseph "Victor" Estrada, deputy campaign manager.

Nauna nang pinintasan ng isa pang senatorial bet ng GO na si John Osmena, pinsan ni Serge, ang nasabing tv campaign ad na ayon dito ay pagsasayang lamang ng pagod.

Idiniin ni Lacson na maging si dating Pangulong Joseph Estrada ay hindi rin nagustuhan ang nasabing TV ad na pinapapalitan nito.

Nang mapanood niya ang anunsyo ay napailing siya dahil sa halip na makaakit ito ng boto ay mukhang pupulutin pa sa kangkungan ang mga kandidatong senador ng GO.

Sa anunsyo mapapanood ang pagpokus nito sa kahirapan, gutom, korapsyon, bagsak na ekonomiya at iba pang problemang kinakaharap ng gobyerno pero hindi man lamang ipinakita ang mga larawan para ipakilala ang mga kandidato ng GO.

Sa pagtatapos ng campaign advertisement ay sinasabing iboto ang Genuine Opposition bagay na hindi umano maganda ang dating sa masa ayon pa kay Lacson. (Joy Cantos)

Show comments