P10 minimum fare!

Igigiit ng mga jeepney operators ang paghingi ng P10 minimum fare sa mga pampasaherong jeep dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng diesel sa bansa.

Ayon kay Zenaida Maranan, pangulo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), linggo-linggo ang pagtataas ng presyo ng diesel na ngayon ay P37.70 kada litro.

Sinabi ni Maranan, napagkasunduan ng United Transport Organization kung saan ay miyembro ang FEJODAP, PISTON, Pasang Masda, MJODA, Altodap at iba pang transport groups ang paghingi ng dagdag-pasahe.

Aniya, ihahain nila ang petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa P10 minimum fare mula sa kasalukuyang P7.50.

Nauna dito, hiniling din ng Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA) sa LTFRB na taasan ng P15 ang flagdown sa mga taxi para makahabol sa pagtaas ng presyo ng gasolina. (Angie Dela Cruz)

Show comments