Langis ng niyog gamot vs AIDS

Humingi ng tulong sa Malacañang ang Department of Health (DOH) upang pondohan ang pag-aaral sa coconut oil na maaaring isang gamot sa Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).

Base sa 2-pahinang liham ni Health Secretary Manuel Dayrit, nakasaad dito na malaki ang potensiyal ng coconut oil na maging anti-viral agent subalit hindi matutuloy ang research dito dahil sa kakulangan sa pondo na nagkakahalaga ng $2 milyon

Ayon kay Dayrit, naunahan na ang Pilipinas ng bansang Amerika sa paglalagay ng patent sa paggamit ng monoglyceride ng isuric acid na isa ring component ng coconut oil bilang panlaban sa naturang sakit.

Base naman sa unang bahagi ng research na pinangunahan ni Dr. Conrado Dayrit, nagpakita ng positibong resulta ang mga HIV-infected patients sa San Lazaro Hospital ng sumailalim sa coconut oil o CNO administration.

Nilinaw naman ng kalihim na nakipag-ugnayan na ang DOH sa Georgetown University Alumni Foundation na siyang tutulong para sa validation ng naturang pag-aaral.

Kaugnay nito kung kaya umasa rin si Dayrit na makakabilang ang halagang kanilang hinihingi sa listahan ng Philippine government projects na paglalaanan ng pondo at ang nasabing listahan ay ibibigay din kay US Pres. Bush sa kanyang pagbisita sa bansa. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments