Clinic sa mga mall

Hinikayat kahapon ni Senator Noli de Castro ang mga may-ari ng shopping malls sa bansa na maglagay ang mga ito ng emergency clinics upang agarang makasaklolo sa mga shop-goers sa oras ng trahedya.

Sinabi ni Sen. de Castro, inihain niya ang panukalang Shopping Malls Emergency Clinics Act of 2003 upang umalalay sa mga mall-goers kapag inabutan ang mga ito ng aksidente lalo ngayong nagiging target ng terorista ang matataong lugar tulad ng malls.

Hindi lamang sa panahon ng trahedya tulad ng bombings kakailanganin ng shop-goers ang tulong ng emergency clinics kundi kapag inatake ng karamdaman ang mga ito habang namamasyal o namimili.

Ayon sa senador, dapat lamang maging handa tayo sa anumang maaaring mangyari kaya ang pagkakaroon ng mga emergency clinics sa lahat ng malls sa bansa ay lubhang kailangan.

Aniya, ang mga emergency clinics sa bawat mall ay dapat ilagay sa madaling puntahan ng mga tao. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments