Ping ayaw maging vice ni FPJ

Hindi kuntento si Senator Panfilo Lacson na maging running mate lamang siya ni Fernando Poe Jr. sakaling tumakbong pangulo ang hari ng pelikulang Pilipino sa 2004 laban kay Pangulong Arroyo.

Sinabi ni Sen. Lacson sa isang media briefing kahapon sa Senado na hindi siya pabor na maging vice presidential bet lang siya ni FPJ.

"Hindi ako papayag na maging bise lang ako ni FPJ sa 2004 pero kahit sino naman ang ilaban kay GMA sa darating na halalan ay siguradong mananalo dahil sa mga kapalpakan ng administrasyon nito," sabi ni Lacson.

Tumanggi naman ang dating PNP chief na sagutin ang katanungan ng mga mamamahayag kung may balak ba itong tumakbong pangulo sa 2004 elections laban kay Pangulong Arroyo.

Samantala, mariing itinanggi naman ni Senator Tessie Aquino-Oreta na ang United Opposition ang nasa likod ng FPJ for President Movement na inilunsad sa Mindanao.

Kung matatandaan, mayroon ding lumutang na Noli de Castro for Vice-President Movement subalit pinabulaanan naman ng senador na may kinalaman siya sa nasabing organisasyon.

Itinuturing na mga vice presidentiables din sa hanay ng mga senador sina de Castro at Senate Majority Leader Loren Legarda. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments