Ang kasalanan namin ni Luningning(36)
MARAMI na akong nabalitaan na namatay sa panganganak. At ang mga nadidisgrasya raw ay ang mga may edad nang nabuntis. Nahihirapan daw ilabas ang bata. At si Luningning ay may edad na. Lampas na siyang kuwarenta anyos.
Napabuntunghini-nga ako sa isiping iyon. Naghahalo ang kaba. Paano kung mamatay si Luningning sa panganganak at makaligtas ang bata?
Siguro ay karaniwan na lamang sa mga katulad kong nakagawa ng kasalanan na ipanalangin na mawala ang kasangkot sa problema? Siyempre kung mamamatay si Luningning ay kasama ring maililibing ang aming lihim. Hindi na mala-laman ni Gina ang nangyari at mananatili ang mataas na pagtingin niya sa akin. Hindi na siguro ako mababagabag dahil wala na ang taong kasama ko sa paggawa ng kasalanan.
Kung ganoon ang mangyayari ay tiyak na maiiwan sa amin ang bata. Magiging tunay na anak namin. Walang kamalay-malay si Gina na ang inaalagaan ay tunay kong anak.
Subalit agad ko rin namang binawi ang panalangin na sana ay may masamang mangyari kay Luningning sa panganganak nito. Huwag naman. Kawawa naman si Luningning.
Walang nangyari kay Luningning pero nahi-rapan ito at ayon kay Gina ay nanganib ang buhay. Dahil nahihirapang ilabas ang bata, minabuti na ng mga doctor na idaan sa ceasarean section si Luningning. Masama raw ang posisyon ng bata kaya nahihirapang ilabas.
“Diyos ko po, awang-awa ako kay Luning-ning noong nagle-labor siya. Parang malala- got na ang hininga niya sa hirap.”
Hindi naman ako makapagsalita pero gusto ko nang itanong kung ano ang itsura ng bata. Excited na rin yata ako.
“Pinapirma ako ng doktora sa isang papel na katunayan ay pinahihintulutan ko ang pag-ceasarean sa kanya.”
“Okey na naman siya ngayon,” tanong ko na kunwari ay wa-lang interes.
“Nasa ospital pa at baka sa makalawa pa ang labas.”
Wala na akong maisip na maitanong kay Gina. Gusto ko na sanang itanong ang bata pero siya na ang nagbalita ukol dito.
“Ay Diyos ang cute ng pamangkin ko. Halatang guwapo paglaki. Nakikita ko nang me itsura kahit na baby pa.”
“Pare-pareho naman ang mukha ng baby di ba paano mo natiyak na guwapo?”
“Basta alam ko, Rico.”
“Sige naniniwala na ako.”
“Siguro guwapo ang nakabuntis kay Luningning. Siyanga pala, sasabihin ko kay Luningning na sakali at mag-kita sila ng walanghiyang lalaki e huwag niyang ipakikita ang bata.”
Hindi ako nagsasalita. Hinayaan kong magsalita nang mag- salita. Galit si Gina sa lalaking nakadisgrasya kay Luningning. Napapalunok lang ako kapag nagsasalita nang maanghang si Gina.
“At halimbawa na si Luningning ay matuloy muli sa pagsa-Saudi at iiiwan sa akin ang bata, huwag magkakamali na pumunta ang hayop na lalaki at ipagugulpi ko siya sa mga tambay sa labasan.”
Napalunok ako.
“Pero sana ay huwag nang magpakita ang lalaki. Kasi baka magulo lamang ang buhay ni Luningning. Ang alam ko, masaya na si Luningning sa ganitong buhay na may anak na palalakihin. Sinabi niya ilang araw bago makapanganak na ang anak na lamang ang tangi niyang ligaya. Wala na raw iba pa.”
“E di siguro hindi na siya magsa-Saudi?”
“Ewan ko lang. Baka ituloy din niya ang balak kasi saan naman siya kukuha nang itutustos sa bata.”
Naisip ko, dapat na akong maghanda sa aking balak na pagre-resign.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending