3-digit number coding ibinasura ng MMDA
MANILA, Philippines - Binasura kahapon ng Metro Manila Council (MMC) at Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) ang panukala ni House Minority Leader Danilo Suarez na gawing ‘three digits’ ang number coding scheme para bahagyang lumuwag ang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila laban sa masikip na daloy ng trapiko ngayong Kapaskuhan.
Sa pulong kahapon ng mga Metro mayors at I-ACT sa Makati City, binasura nila ang panukalang ‘three digit number coding scheme’, dahil sa kakulangan ng panahon para sa implementasyon nito.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Tim Orbos, kailangan aniyang pag-aralan muna ang naturang panukala at hindi na aniya ito uubrang ipatupad ngayon dahil kapos na sa panahon at sa susunod na mga buwan.
“The I-ACT has rejected the proposed ‘3- digit number coding scheme due to lack of time as it is not feasible to implement this at present,” ayon naman ito sa text message ng tapapagsalita ng MMDA Celine Pialago.
Nabatid na ang ‘three digits number coding scheme’ ay panukala ni Suarez upang lumuwag ang Kalakhang Maynila sa masikip na daloy ng trapiko ngayong buwan ng Kapaskuhan.
Kung saan kamakailan ay sinuportahan ng MMDA ang naturang panukala, subalit kahapon ay ibinasura ito sanhi nang kakapusan ng panahon para sa implementasyon.
Base sa datus ng MMDA, simula noong Hulyo 2016, nasa 7,500 behikulo ang bumabagtas sa kahabaan ng EDSA kada oras, na ang kapasidad lamang nito ay nasa 200,000 kada araw.
- Latest