Bulls sinuwag ang Durant-less Warriors
CHICAGO - Kaagad ininda ng Golden State Warriors ang pagkawala ni superstar forward Kevin Durant.
Nagtala si Jimmy Butler ng 22 points, 5 rebounds, 6 assists at 4 steals para akayin ang Bulls sa 94-87 panalo laban sa Warriors.
Tumipa rin si Butler ng perpektong 10-of-10 free throws para sa ikalawang sunod na panalo ng Chicago, naunang giniba ang Cleveland Cavaliers kung saan hindi nakapaglaro si LeBron James.
Nauna namang nagkaroon ng injury si Durant sa first period sa naunang kabiguan ng Warriors laban sa Washington Wizards.
Ito ang unang back-to-back regular-season games ng Golden State matapos noong April 5 at 7, 2015 laban sa San Antonio at New Orleans.
Tumipa si Stephen Curry ng 23 points, habang may 13 si Klay Thompson.
Sina Curry at Thompson ay may pinagsamang 3-of-22 shooting sa three-point line.
Kumolekta naman si Bobby Portis ng 17 points at season-high 13 rebounds para sa Bulls na iniskoran ang Warriors ng 10-2 sa huling tatlong minuto ng laro para burahin ang one-point deficit.
Sa iba pang resulta, binigo ng Phoenix ang Charlotte, 120-103 habang niresbakan ng Portland ang Oklahoma City, 114-109.
- Latest