^

PSN Showbiz

Dating sikat na aktor, umaasa na lang sa tulong ng mga kaibigang pulitiko

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Spell M ngayon ang isang male personality na nagkaroon din ng magandang oportunidad nu’n na makilala sa pelikula at telebisyon. Hindi kumpleto ang kuwento ng bumibida kung wala siyang sidekick.

Kaliwa’t kanan nu’n ang proyekto ng lalaking personalidad, wala na halos siyang pahinga, kaya naman palagi ring makapal ang kanyang bulsa.

Pero ang oportunidad ay lumilipas, ang mga proyekto ay nawawala, ang dating malalim na bulsa ay bumababaw sa kawalan ng laman.

Ngayon ay madalas makita ang male personality na padalaw-dalaw sa mga personalidad na nakaposisyon. Hindi siya humihingi ng pampagamot at pampalibing, matindi ang pangangailangan niya, ang pambuhay sa kanyang pamilya.

Kuwento ng isang source, “Nu’ng kasagsagan ng career niya, e, puro babae ang kinapuntahan ng mga kinikita niya.

“Nakalimutan niyang isipin na walang kasiguruhan ang buhay nilang mga artista. Ngayon, padalaw-dalaw siya sa mga kaibigan niyang pulitiko. Naghihintay ng bigay.

“Hindi man siya nakaupo na kasama ng mga nadarahop na humihingi ng tulong sa mga pulitiko, e, parang ganu’n na rin ‘yun. Waiting pa rin siya sa maibibigay sa kanya.

“Nakakalungkot ang kinahinatnan ng buhay niya, akalain mo ‘yun? Dati, e, ang porma-porma niya, pero ngayon, daig pa niya ang namamalimos,” napapailing na sabi ng aming impormante.

Kung minsan ay hindi na siya kinakausap ng mga aktor-pulitikong pinupuntahan niya, pinaaabutan na lang siya, dahil pare-pareho lang naman ang kanyang kuwento kung bakit siya nandu’n.

“Mismo! Magbabago pa ba ang synopsis ng kuwento niya? Wala siyang pambayad ng bahay, malapit na siyang maputulan ng kuryente, may bago pa ba sa mga litanya niya?” pahabol ng aming source.

Ubos!

Ayaw na uling maghirap, Alden ingat na ingat sa mga kinikita

Napakaagang natuto sa buhay ni Alden Richards. Kapag hindi nagbago ang paraan kung paano niya hinahawakan ang kanyang tagumpay ay siguradong hindi na siya maghihirap kahit pa dumating na ang huwag naman sanang paglamlam ng kanyang career.

Ang mga unang milyones na kinita niya ay inilaan muna ng Pambansang Bae para sa kanyang pamilya at sa negosyo. Sino ba ang hindi nangangarap ng magagarang sasakyan lalo na’t kayang-kaya na niyang bumili nu’n?

Pero ibang klase si Alden, bago ang kanyang sarili ay una muna niyang binigyan ng importansiya ang kanyang pamilya, bubong munang masisilungan ng kanyang lola, ama at mga kapatid ang naging prayoridad niya.

Bago ang kanyang mga kapritso ay namuhunan siya sa negosyo, dinadayo na ngayon ang Concha’s sa Tagaytay, ang tanong ng mga kababayan natin ay hindi ang kung nasaan ang Concha’s kundi kung nasaan ang restaurant na pag-aari ni Alden Richards?

Parang bahay na niya ang sasakyan dahil mas madalas siya sa labas, nu’n pa lang siya bumili ng mamahaling van para sa kanyang taping at shooting, saka Jaguar na regalo sa kanyang sarili sa halos araw-araw niyang pagpupuyat at pagpapagod.

“Ayoko na pong bumalik sa hirap, kaya habang kumikita po ako, naglalaan na ako para sa future ko at ng family ko,” sabi ni Alden.

Guwapo, punumpuno ng talento, mapagkumbaba at marunong magpahalaga sa mga taong nakatulong sa pag-abot niya sa pinapangarap na kasikatan ng bawat artista.

Malayung-malayo pa ang mararating ni Alden Ri­chards, patuloy siyang susuportahan ng publiko, dahil marunong siyang humawak ng popularidad at mga prayoridad.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with