^

PSN Showbiz

Kaya walang tunay na kaibigan, female personality habit na ang paninira ng patalikod

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Kuwento ito ng isang napakagandang relasyon na nauwi sa wala. Istorya ito ng isang pagkakaibigang may matibay nang pundasyon pero ang kinauwian ay pag-asim.

Sanggang-dikit sila, daig pa ang magkadugo, huwag mong sasalingin si Female Personality A at siguradong ang hahawak ng baril para ipagtanggol ang kanyang kaibigan ay si Female Personality B.

Kahit saan ay nakikita silang magkasama, kapag nagsiuwi na sila ng kani-kanyang bahay ay nasusunog pa ang linya ng telepono sa kanilang pagbababad sa kuwentuhan, para silang kambal-tuko na hindi talaga mapaghihiwalay.

Pero isang umaga ay nagi­sing na lang sa katotohanan si Female Personality B na hindi na pala niya dapat pagbuwisan ng kanyang buhay si Female Personality A, kapag nakatalikod pala siya ay tinatadtad siya nito ng pintas, puro paninira pala ang ginagawa sa kanya ng babaeng halos ipakipagpatayan na niya kapag sinisiraan ng ibang tao.

Nakarating sa kanya ang lahat ng paninira ni Female Persona­lity A, mas tumindi ‘yun nu’ng kumikita ang mga pelikulang ginagawa niya, sumobra ang inggit sa kanya ng taong akala niya’y magiging kaibigan na niya nang panghabambuhay.

Sabi pa ng aming source, “Nu’ng bumili siya ng car na milyunan ang halaga, lalo siyang siniraan ng babaeng akala pa naman niya, e, friend niya, pero hindi naman pala! Sinasaksak pala siya nang patalikod nang matagal na panahon na, pero wala pa siyang kaalam-alam.”

Ayon sa kampo ni Female Personality B ay walang matatagpuang tunay na kaibigan si Female Personality A dahil malakas ang kanyang insecurity, inggitera ito, walang loyalty.

Mukhang totoo ang obserbasyon nila, wala ngang maituturing na BFF ang tinutukoy nilang babaeng personalidad, pati nga ang kanyang lovelife ay parang batong gulong lang nang gulong pero hindi nalulumutan.

Ubos!

DILG Sec. Mar Roxas mas dapat pag-aksayahan ng panahon ang imbestigasyon sa SAF 44 kesa kina Bong at Jinggoy

Hindi naging maganda sa panlasa ng publiko ang ginagawang pagdidiin ni DILG Secretary Mar Roxas sa mga nakakulong na senador na sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla.

Sa kanyang pagtutok sa pagdalaw ng dalawang senador sa kapwa nila mambabatas na nakapiit sa PNP Custodial Center (Senador Juan Ponce Enrile) ay may hawak pang mapa ng bakuran ang mister ni Korina Sanchez.

Tahasan niyang sinabi na binastos ng magkaibigang senador ang hustisya, ipinasibak niya ang mga tagapamuno ng pinagpipiitan ng tatlong senador, dapat nga raw sigurong ilipat na sila sa ordinaryong kulungan.

Ang dating nu’n sa ating mga kababayan ay masyadong OA. Hindi naman tumakas ang dalawang senador sa bakuran ng Camp Crame, sa iisang bakuran lang naman sila nandu’n, nagkataon lang na nasa ospital si Senador Enrile dahil sa pagkakasakit.

Sabi ng isang kaibigan na­ming propesor, “Bakit ‘yun ang inaatupag niya, bakit hindi niya busisiin kung bakit natutulog siya sa pansitan nu’ng mapalaban ang SAF-44 sa Mamasapano?

“Masamang-masama ba ang loob niya dahil nagmukha siyang ewan du’n? Nakakita ba siya ng butas para mai-divert ang sobrang sama ng loob niya dahil naturingan siyang DILG secretary, pero wala siyang kaalam-alam sa nangyaring giyera dahil nilampasan siya ng mga opisyal na nasa ilalim lang ng pamumuno niya?” madiing komento ng aming kausap.

May katwiran ang katwiran. Nakanganga pa hanggang ngayon ang mga mahal nila sa buhay ng mga nalagas na SAF-44 at ang buong sambayanang Pilipino kung sino talaga ang dapat buntunan ng sisi sa kawalang-pusong pagpapain sa buhay ng mga nasawing kapulisan sa Maguindanao.

‘Yun ang dapat unahin ng sekretaryo ng DILG, sinu-sino ba sa kanila ang dapat managot sa pagkapaslang ng SAF-44, ‘yun ang pinakahihintay ng buong bayan ngayon at hindi ang kuwento ng mapusong pagdalaw ng dalawang senador sa kanilang kapwa senador na matanda na.

vuukle comment

CAMP CRAME

CUSTODIAL CENTER

FEMALE

FEMALE PERSONALITY A

FEMALE PERSONALITY B

NIYA

SENADOR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with