Bersola hinirang na Player of the Week
MANILA, Philippines - Nasungkit ni middle blocker Kathy Bersola ng Perlas Spikers ang Player of the Week award matapos tulungan ang kanyang tropa na makakuha ng importanteng panalo sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference.
Sinimulan ni Bersola ang kanyang mainit na ratsada nang dalhin ang Perlas Spikers sa 30-28, 21-25, 25-21, 25-18 panalo laban sa kanyang alma mater na University of the Philippines kung saan nagtala ang Summa Cum Laude awardee ng 14 puntos tampok ang limang blocks.
Agad itong sinundan ni Bersola ng career-high na 24 hits sa kanilang 24-26, 13-25, 25-13, 25-22, 15-11 pananaig laban sa Reinforced Conference runner-up na BaliPure.
Dahil dito, sumulong ang Perlas Spikers sa 3-3 rekord para sa ikaapat na puwesto.
“Ibinigay lang talaga sa akin ng teammates ko 'yung pagkakataon na maka-score. Siguro I took advantage na din sa mga ginagawa ng kalaban. We needed this win so everybody had to do their part. I just tried to do my best,” wika ni Bersola.
Naungusan ni Bersola para sa Player of the Week award sina Nicole Tiamzon (Perlas Spikers) at Rose Marie Vargas (Creamline Cool Smashers).
Ang 5-foot-11 middle blocker ang No. 5 Best Blocker sa liga tangan ang 13 kill blocks.
- Latest