Leonard posibleng hindi na naman maglaro sa Spurs sa Game Four
SAN ANTONIO -- Hindi naglaro si Spurs’ star forward Kawhi Leonard sa Game Two at Three laban sa Golden State Warriors sa kanilang Western Conference finals series.
At posibleng maupo na naman sa likod ng bench si Leonard sa Game Four.
Sinabi ni Spurs coach Gregg Popovich sa mga reporters noong Linggo na ang MVP candidate ay “likely out” para sa ikatlong sunod na laro sa serye kung saan tangan ng Warriors ang 3-0 kalamangan.
Muling nagkaroon si Leonard ng left ankle injury sa Game One at sinabi din ni Popovich na malamang na maupo din sa bench si forward David Lee, nakalasap ng knee injury sa Game Three.
Lumubha ang ankle injury ni Leonard nang maapakan niya ang paa ni Warriors center Zaza Pachulia matapos ang kanyang jump shot sa third quarter ng Game One noong nakaraang Linggo.
Hawak ng Spurs ang 23-point lead nang mawala si Leonard sa laro sa third quarter.
Ito ay sinamantala ng Golden State at naghulog ng 19-0 bomba para agawin ang panalo.
Inangkin ng Warriors ang Game Two, 136-100, at Game Three, 120-108.
Nauna nang nalasap ni Leonard ang kanyang ankle injury sa Game Five ng Western Conference semifinals series kontra sa Houston Rockets.
Tumipa si Leonard ng mga averages na 27.7 points, 7.8 rebounds at 4.6 assists sa postseason.
Samantala, sumailalim si Lee sa isang MRI exam at napag-alaman na may partially torn patellar tendon.
Ang nasabing knee injury ay mangangailangan ng surgery.
Dahil dito ay tiyak nang hindi makikita sa court si Lee, maganda ang ipinakita sa first period bago nagkaroon ng knee injury.
“He’s probably not gonna play, but I don’t think it’s serious,” pahayag ni Popovich tungkol kay Lee. “It didn’t really swell up, it just got stiff. So he’ll probably be out.”
- Latest