PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Trabaho lang

KAPAG nagsalita na si PNP chief Dir. Gen. Bato dela Rosa, mapapailing ka na lang talaga. Ayon sa kanya, ginagawa lang daw ng mga pulis-Mandaluyong ang kanilang tra­baho. “Trabaho lang ‘yun”. Sinuportahan at ipinagmayabang pa rin niya ang mga pulis, na wala naman daw masamang intensyon. Pumalpak lang daw. Mabuti na raw ang “tanga na may malinis na kalooban, kaysa ‘yung marunong pero may masamang intensiyon”.

May napatay na mga inosenteng tao ang kanyang ipi­nagmamayabang na pulis? Sori na lang, trabaho lang? Pasensiya na, tanga lang? Baka naman gusto niyang dagdagan ng “Mag move on na kayo”. Ano kaya ang nararamdaman ng mga kapamilya ng mga nasawi at nasaktan? Sa pahayag na ito, alam mo na sa kinalaunan ay maaabsuwelto ang mga pulis at baka mabigyan pa ng promosyon. Kung ang grupo ni Marvin Marcos ng CIDG na sadyang pinatay si Rolando Espinosa Sr. ay halos absuwelto na, itong mga pulis pa? Hindi rin dapat pagdudahan ng mga kamag-anak ng mga biktima ang resulta ng SOCO hinggil sa pagpositibo sa pulbura ni Jonalyn Amba-an. Umalma kasi, at dapat lang, ang mga kamag-anak sa pahiwatig na nagpaputok si Jonalyn ng baril.

Makikita na mas mahalaga kay Dela Rosa ang kapa­kanan ng “kanyang” mga pulis, at hindi ang manilbihan at magbigay ng proteksyon sa mamamayan. Nang rumes­ponde ang mga pulis-Mandaluyong, hindi ba sila nagtaka kung bakit mga sibilyan ang nagpapaputok sa sasakyan? Inaresto ba nila? O talagang alam nila na armado ang mga tanod ng nasabing barangay, kaya hindi na sila nagtaka. Tulad nga ng sinabi ko, isang daliri lang pala ang kaila­ngang impormasyon ng mga pulis para magpaulan ng bala sa sinuman.

Malinaw na nagkamali ang mga pulis. Ayon sa tagapagsalita ng NCRPO, may “overkill” talagang naganap. “Utak-pulbura” ang madalas na bansag sa mga pulis natin, par­tikular sa social media. Wala raw dahilan para pagbabarilin ng ganyang karami ang sasakyan na wala namang nagpapaputok sa kanilang direksyon. Kulang din daw sa sentido komon. Kung pinaligiran na nila ang sasakyan, bakit kaila­ngang tadtarin pa ng bala? Kahit may mga hindi bumaba ng sasakyan, kung wala namang nagpapaputok, hindi ito dahilan para pagbabarilin ng ganyan. Ayon nga kay Dela Rosa, “tanga na may malinis na kalooban”.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: