^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Sige, sibakin ang biyahe nang biyahe

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Sige, sibakin ang biyahe nang biyahe

NOONG nakaraang buwan, nagbanta si President Duterte na sisibakin niya sa puwesto ang mga government officials na biyahe nang biyahe sa ibang bansa kahit hindi kailangan at ang matindi pa, ang ginagamit ay pondo ng bayan. Sasabihan daw niya ang mga opisyal na magbitiw na lamang para wala nang kuskos-balungos pa. Kapag hindi raw kusang umalis sa puwesto ay saka ipahihiya ang mga ito.

Kamakalawa, tinupad ni Duterte ang banta. Sinibak niya ang chairman ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) dahil sa madalas na pagbibiyahe sa ibang bansa. Sabi ng Presidente, pitong beses na nagbiyahe sa ibang bansa si PCUP chairman Terry Ridon mula nang italaga niya ito sa puwesto noong Setyembre ng nakaraang taon. Sabi pa ni Duterte, dalawang beses pa lang daw nagmimiting ang komisyon ni Ridon. Wala rin daw kaug­nayan sa trabaho nito ang pagbibiyahe sa ibang bansa. Bukod kay Ridon, apat pang PCUP commissioners ang sinibak sa puwesto. Sabi naman ni Ridon, may pahintulot daw ng Office of the President ang kanyang pagbibiyahe. Ganunman, nagpapasalamat siya sa pagkakataong ibinigay ni Duterte.

Tip of the iceberg lamang ang natuklasan ni Duterte. Marami pang opisyales ng pamahalaan ang biyahe nang biyahe sa labas ng bansa kahit walang kaugnayan sa kanilang trabaho. At ang matindi pa, ginagamit nila ang pera ng bayan para sa kanilang pansariling interes.

Habang ang mamamayan ay walang tigil sa pagbabayad ng buwis, marami namang opisyal ang nagpapakaligaya o nagpapasarap sa pagbibiyahe. At malay ba ng taumbayan kung sino ang kasama ng opisyal --- maaaring mistress niya. Sinasamantala ang pagkakataon para magpakaligaya sa ibang kandungan.

Ngayong nasimulan na ni Duterte ang pagsibak sa mga opisyal na biyahe nang biyahe, lalo namang matutuwa ang taumbayan kung ang lahat nang corrupt sa pamahalaan ay tatamaan. Lagi niyang sinasabi na lahat nang tiwali ay sisibakin niya sa puwesto. Ito raw ang naipangako niya noong nangangampanya pa siya.

Marami ang matutuwa kapag natupad ang mga sinabi ng Presidente. Dito na magsisimula ang pagbabago sa bansang­ ito na matagal nang pinamamahayan ng mga ‘‘buwaya’’. Mararamdaman na ng masa ang linis ng pamumuhay sapagkat wala nang mga corrupt na nagpapasasa sa kabang yaman.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with