^

PSN Opinyon

‘Malapit na raw magbukas ang RWM?’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

SWAPANG BA ANG PAGCOR dahil iniisip nila ang porsiyento nila sa Resorts World Manila (RWM)?

May insider na nakapagsabi sa ‘kin na di magtatagal ay ili-lift na ang suspensiyon sa operasyon ng RWM dahil sa malaking investment na umaabot ng $1.3 bilyon at may anim na libong empleyado ang pinapa­sweldo nila gayung sarado ang kanilang operasyon.

Sa laki ng kinita nila Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Andrea Domingo mula nang magbukas sila noong taong 2009 ay kaya nilang tustusan ang mga sweldo ng kanilang mga empleyado.

Bakit pinayagan na mag-operate ang ganito kalaking Casino na ayon sa insider ay hindi ganun kalakas ang lumalabas na tubig sa mga fire sprinkler na dapat ay awtomatikong lumalabas kapag may sunog?

Bakit daw mahina? Dahil nagtitipid ang mga ito na mabasa ang mga mamahalin nilang slot machines na kapag nabuhusan ng tubig ay mag short circuit. Alamin mo kaya ito Chair Domingo?

Ili-lift niyo ang suspensiyon ng RWM, bakit? Mga magagaling na security guards na ba ang kanilang kinuha hindi kagaya ng Lantin Security Agency na dahil mababa ang sweldo nang magkaguluhan sa RWM ay sumama sa mga taong tumatakbo.

Ang nakakatawa dito ay ang kanilang Security Chief na si Armeen Gomez na Armenio ang tunay na pangalan na inaming dalawang beses nasipa sa Philippine Military Academy at pinalalabas na siya’y nagtapos sa Ateneo de Naga hanggang sa ginisa siya nina Congressman Rudy Fari?as at Congressman Rey Acop at sinabing nasan ang diploma mo baka galing lang ito sa Ateneo de Recto. Napilitan na itong magtapat at inaming college drop-out siya,

Nanghihinayang ka Chair Domingo sa kikitain ng PAGCOR sa RWM o baka naman malakas talaga ang may-ari nito kaya’t kahit mainit-init pa ang 2nd floor ili-lift na ang suspension order?

Hindi naman daw gagamitin ang 2nd floor. Kayong mga manlalaro hindi kaya multuhin kayong lahat diyan ng alaala ng 37 nagbuwis ng buhay dahil sa pagkakasinghot ng carbon monoxide na usok?

Nasisiguro ko aani kayo ng batikos hindi lamang sa kolum na ito kundi maging sa iba pang mamahayag at sa taumbayan sa social media at pagbabatuhin kayo ng mga bugok na itlog.

Mag hunus dili ka Chairman Domingo, konting hinay-hinay. Dahan-dahan lang para hindi kita tali (no strings attached).

Ang mga bisita ninyo at maging ang mga empleyado ninyo ang naging biktima dito. Obligasyon ninyo na sila’y protektahan.

Anak ng tupa naman, iisa ang assailant ang nagwala hindi nahinto ng mga tauhan ninyo?

Wala bang mga fire extinguisher, wala bang mga signages na nagpapakita kung saan ang fire exits maliban sa mga elevator na maaari nilang gamitin?

Naaawa ka sa RWM dahil anim na libong empleyado ang pinapasweldo nila at malaki ang kanilang investments diyan. Bakit hindi buksan ang libro mula nang magbukas sila nung 2009 kung magkano na ang kinita nila?

Ang maganda sana diyan ay may tumayong isang abogado na idemanda ang RWM at isali na rin ang PAGCOR at kanilang mga opisyales sa Office of the Ombudsman para sa kapabayaan.

Inuulit ko 37 buhay, 37 pangarap, 37 pamilya ang kasama sa trahedyang ito pagkatapos sariwa pa sa ating alaala ay pinag-iisipan niyo nang i-lift ang suspension order?

Ano ba yan nauna pa ang muling pagbubukas kaysa sa matulungan ang mga biktima.

Nangako kayo sa pamilya na makakatanggap sila ng pinansiyal na tulong. Isang milyong piso sa namatayan at limang daang libong piso naman para sa mga nasaktan at nagpapagaling.

Tatlumpu’t isa na sa kanila ang nabigyan ninyo habang ang natitirang anim ay hindi tumanggap ngunit patuloy pa ninyong kinakausap.

Matatapatan niyo ba ng pera ang buhay ng mga ito gaya na lamang ng asawa ng isang mambabatas  nang mag-amok ang lalaking ito at sunugin ang mga mesa at slot machines?

Matatapatan niyo ba ng pera ang isang staffer na kapapasok lang na maraming pangarap at panaginip na hindi mo alam kung saan aabot ang kanyang pagtatagumpayan?

Bawat isang nandun may kani-kanilang buhay, may kani-kaniyang pamilya. Ang pera bang ibibigay niyo ay sapat na?

Hindi ko naman sinasabi na tuluyan nang isara ang Hotel Casino na yan. Ang balak nila ay hindi gagamitin ang second floor at aayusin. Bat hindi niyo muna ayusin? May papasok na gagawa diyan na hindi niyo naman kilala na baka may psychological instability at maulit na naman ang nangyaring karima-rimarim na trahedya noong ika-dalawa ng Hunyo.

Nasisiguro kong mag-aalburoto si Presidente Rodrigo Duterte kapag nangyari ito.

Nakita naman natin kung gaano kalaki ang kanyang malasakit sa mga taong naaapi o biktima ng krimen.

Oo krimen ito, krimen ng kapabayaan, krimen ng ka-swapangan, krimen ng taong kokonti ang konsensya at ang layon ay kumita lamang. May tawag dito, kasakiman.

Patas kaming magsulat at pinupuri namin kayo at itinatampok kapag nakakatulong kayo tulad na lang ng programa ninyong Pamaskong Handog tuwing Disyembre ganun din ang pamimigay ninyo ng mga gusali sa mga paaralan.

Ipikit niyo ang inyong mga mata at isipin niyo ang nangyari sa room 501, paano nagtarantahan ang mga tao at meron pang lumundag sa bintana at sumuot sa kisame na nagbalot ng kumot na binasa ng tubig pero ang lahat ng ito ay walang laban sa nakalalason na carbon monoxide na nanggagaling sa sunog.

Hindi ako nagugulat kung bakit gusto ng RWM na magbukas sila at bumalik sa operasyon. Siyempre gusto nila kumita. Bandang huli ikaw din ang may huling say sa bagay na ito Chair Domingo. Ikaw at ang konsensiya mo ay dapat mong bunuin kung sa maikling panahon dapat pagbigyan ang RWM na magbukas muli.

Ilang beses na rin akong nagpunta sa RWM kasama ang aking mga anak at mga apo. Tumataas ang aking balahibo na isipin na paano kung nandiyan kami dahil sa imbitasyon ng mga kaibigan at nangyari ang ganyang uri ng kaguluhan?

Hindi ko pwedeng sabihin na mabuti na lang wala kami at nagpapasalamat na lamang ako na iniligtas kami ng araw na yun.

Kung ako ang tatanungin maaaring mabuksan ito pero itaga mo sa bato hindi na ako tatapak sa Hotel Casino na yan kahit sino pa mang imbita.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with