PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

7,641 isla, high o low tide man

SA tanong kung ilan ang isla sa Pilipinas, kwela pa rin klaruhin muna, tulad ni Charlene Gonzales sa Miss Universe finals, kung ang tinutukoy ay high o low tide. Pero mali na isagot ang lumang bilang na 7,107 ang mga isla. Ang tama ay 7,641. Batay ito sa turing ng UN Convention on the Law of the Sea na ang isla ay natural na lupaing napapalibutan ng karagatan, litaw miski high tide, at may bukal ng tubig-inumin. Panahon pa ng Amerikano ang bilang na 7,107, at nakasanayan na lang ito dahil sa paulit-ulit sa Araling Panlipunan at sa tourism promo ads. Pero natuklasan ng modernong geographical surveying na 7,641 pala lahat.

Karamihan sa mga “bagong tuklas” na pulo ay nasa Apo Reef sa Mindoro, Sulu Sea sa Palawan, at sa silangang bahagi ng Luzon, Visayas, at Minda­nao -- mga karagatang na-explore lang nang husto nu’ng dekada-’50 hanggang -’70. Nu’ng 1952 biglang sumulpot mula sa dagat ang Bulkang Didicas, sa sila­ngan ng Babuyan Islands. Idagdag pa ang Spratly Islands, na inangkin ng Pilipinas nu’ng dekada-’70. Pinaka-malaki roon ang Pag-asa, na sentro ng bayan ng Kalayaan na binubuo ng walo pang bahura (mga hindi isla).

Maari pang madagdagan ang 7,641 na isla -- ng lindol at sabog-bulkan sa ilalim ng dagat. Maari rin itong mabawasan -- sa pagtaas ng karagatan bandang equator dahil sa global warming. Halos kalahating talampa­kan (one foot) ang itinataas ng karagatan natin tuwing 10 taon; mabuti’t pinirmahan ni President Rodrigo Duterte ang Paris Protocol laban sa climate change. Pero hindi maari isali sa bilang ang pitong artipisyal na isla na ni-reclaim ng China mula sa mga bahura sa South China (West Philippine) Sea. Kasi nga, dapat natural at hindi gawang-tao ang lupain.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: