^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Mga iresponsableng minahan

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Mga iresponsableng minahan

DALAWAMPU’T tatlong minahan ang ipinasara ni Environment Sec. Gina Lopez sapagkat sinisira ng mga ito ang mga kabundukan at watershed areas­. Pinapatay ang mga ilog at tinatabunan ng mga latak ang mga kabukiran. Dahil sa kairesponsablehang gawaing ito, naaapektuhan ang pinagkukunan ng ikabubuhay ng mga magsasaka at mangingisda.

Sinuportahan ni Pres. Rodrigo Duterte ang ginawa ni Lopez na pagpapasara sa 23 minahan na ang karamihan ay nasa Mindanao. Lima pang minahan ang sinuspende ng DENR secretary. Ang ginawa niya ay ikinatuwa ng mga sector na nagmamalasakit sa kalikasan. Ang mga minahan na ipinasara ay nasa Surigao del Sur, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Homonhon Island, Benguet, Bulacan at Zambales.

Nang hirangin ni Duterte si Lopez noong Hulyo 2016, ipinahayag niya, “I don’t like mining, the fo­reigners and the rich are the only ones benefitting from it but the farmers and the fishermen suffer.” 

Maraming iresponsableng minahan na sumisira sa kapaligiran. Hinuhukay at binubutas ang mga bundok nang walang pakundangan. Wala silang pakialam kung mawasak man ang mga bundok. Gaya nang ginawa sa kabundukan ng Compostela Valley at ilang bahagi ng Davao Oriental. Nakunan ng picture ang mga kabundukan doon noong 2012 at nakapanghihilakbot ang makikita sapagkat butas-butas na ang mga bundok sa mga nasabing lugar.  Nang manalasa ang bagyong “Pablo” noong 2012, gumuho ang bundok na maraming hukay. Napuno ng tubig ang mga butas at iyon ang naging dahilan para magkaroon ng landslides. Tinangay ng putik ang mga bahay kasama ang mga troso. Nasa 314 katao ang namatay.

Ganito rin ang nangyari sa St. Bernard, Southern Leyte noong Peb. 17, 2006, kung saan naguho ang bundok at tinakpan ang isang barangay.

Sino ang makalilimot sa ginawa ng Marcopper Mining Company sa Marinduque noong Marso 24, 1996. Nasira ang kapaligiran at kalikasan doon. Nalason at namatay ang Boac River dahil sa tailings ng Marcopper.

Kahanga-hanga ang ginagawa ni Secretary Lopez­. Nararapat siyang suportahan sa kanyang adbo­kasiya na mapangalagaan ang kapaligiran at likas na yaman.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with